Kaliwa Dam ‘done deal’ na ayon sa MWSS

By Rhommel Balasbas March 19, 2019 - 01:48 AM

Nanindigan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tuloy na ang konstruksyon ng kontrobersyal na Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon.

Ito ay sa kabila ng mga batikos na natatanggap ng proyekto mula sa environmental groups at mga lokal na residente.

Iginiit ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na aprubado na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang Kaliwa Dam project.

Ang NEDA anya ay hawak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t hindi umano posible na babaliktarin pa ang desisyon tungkol sa konstruksyon ng dam.

“Ang MWSS kasi, hindi kami makapag-gawa ng project kung walang approval ng NEDA. I hope you understand, NEDA is chaired by the President. With the approval of the highest level at the NEDA, done deal na yan,” ani Velasco.

Dumaan anya ang kontrata sa pagbuo sa Kaliwa Dam sa proper bidding.

Ang Kaliwa Dam ay popondohan ng China at inaasahang matatapos sa loob ng 78 buwan o sa pagitan ng December 2023 hanggang December 25.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi pa siguradong itutuloy ang proyekto taliwas sa sinabi ni Velasco.

Ayon kay Panelo, batid ng gobyerno na marami ang kumokontra sa Kaliwa Dam kaya’t pinag-aaralan pa ito nang husto.

Umaasa naman ang Japanese firm na Global Utility Development Corporation o GUDC na irerekonsidera ng gobyerno ang kanilang proposal na ‘weir’ o low dam sa ilalim ng Kaliwa Intake Weir project.

Ang ‘weir’ ay may taas lamang na 7 metro kumpara sa 62 metro ng Kaliwa Dam.

Ayon kay Kaliwa Intake Weir vice president George Campos, hindi ito magdudulot ng pagbaha sa mga kalapit na lugar at lalong hindi kailangang i-relocate ang mga residente.

Kahit mababaw ang ‘weir’ kaya umano nitong magsuplay ng 550 million liters ng tubig kada araw, hindi gaanong malayo sa kapasidad ng Kaliwa na 600 mld.

Ayon sa GUDC, kung papayagan ng gobyerno, ang konstruksyon ng weir ay aabot lamang ng 36 na buwan.

Nagkakahalaga ang proyekto ng P21 bilyon ngunit aakuin ng GUDC ang buong halaga sa ilalim ng Build-Operate-Transfer contract sa loob ng 25 taon.

TAGS: ‘weir’, "done deal", Administrator Reynaldo Velasco, Build-Operate-Transfer, China, George Campos, Global Utility Development Corporation, kaliwa dam, Kaliwa Intake Weir project, low dam, mwss, neda, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ‘weir’, "done deal", Administrator Reynaldo Velasco, Build-Operate-Transfer, China, George Campos, Global Utility Development Corporation, kaliwa dam, Kaliwa Intake Weir project, low dam, mwss, neda, Presidential Spokesperson Salvador Panelo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.