Ang kaso ay may kaugnayan sa umanoy ilegal na kontrata at kickback na mahigit P65 milyon sa pagbili ng isang lote.
Unang kasong inihain sa Ombudsman nitong March 11 ang umanoy pagpapahintulot ni Mayor Fresnedi ng extension na 3 buwan sa 5 kontrata na walang kaukulang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod, at ang ikalawang kaso ay inihain sa Ombudsman nitong March 15 hinggil sa umanoy kickback na mahigit P65 milyon sa naging pagbili ng lote.
Sa isinagawang press conference ay pormal na naghain ng kaso ang mga contractor na GovMedic Trading at Clarita Ines Canteen na nirepresenta ni Renato So, residente ng Brgy. Sucat, Muntinlupa City; Mahalimuyak Laundry Corp. at ang Integrated Waste Management na nirerepresenta ni Leonilo Santos, residente ng Brgy. Buli, Muntinlupa City; at ang Linde Phil., Inc na nirerepresenta ni Jan- Aldain Bejosano na residente ng Brgy. Buli, Muntinlupa City.
Ang Clarita Ines Canteen ay nabigyan ng 3 months extension noong February 18, 2018 para sa Ospital ng Muntinlupa; ang Linde Waste Management Inc ay nabigyan ng extension noong March 21, 2018 sa kontrata sa Ospital ng Muntinlupa; ang GovMedic Trading ay nabigyan ng kontrata noong July 20, 2018 para sa food subsidy ng mga preso sa Muntinlupa City; ang Linde Phil. Inc noong February 23, 2018 sa kontratang medical gases para sa Ospital ng Muntinlupa; at ang Mahalimuyak Laundry Corp. noong February 16, 2018 sa kontrata para sa Ospital ng Muntinlupa.
Gayunman, ang 3 months extension na ibinigay sa naturang mga kontratista ay walang inisyung resolusyon ang Sangguniang Panlungsod para magkaroon ng awtorisasyon si Mayor Fresnedi sa pagbibigay ng nasabing extension.
Bukod dito, itinanggi ng mga representante ng mga contractor firm ang ginawa ni Fresnedi dahil wala umano silang kinalaman dito at hindi rin sila nagrequest ng extension sa kani-kanilang kontrata
Samantala, ang ikalawang kasong Plunder na inihain ng isang Rafael Arciaga na residente ng Brgy. Putatan, Muntinlupa City na isinumite nitong March 15 ay hinggil naman sa pagbili ng lote na overprice.
Noong June 18, 2014 ay nagsumite ng written letter kay Mayor Fresnedi ang mga nagngangalang Divina Villanueva, Ester dela Cruz, Gregorio Cubacub, Efren Villanueva, Grace Panolino, Remedios Narvaez at Romeo Quilapio para sa pagbenta ng lote sa halagang P2,500.00 per square meter at noong May 27, 2015 ay nagsumite uli ng written letter ang mga seller na ang halaga ay P5,000.00 per square.meter. Pinalabas umano ni Mayor Fresnedi na natawaran niya ang presyo at naging P4,000.00 per square meter.
Inihayag ni Rafael Arciaga na ang bilihan ng lupa na may kabuuang sukat na 43,687 sq. meter ay kuwestiyonable dahil ang ginamit na pondo ay ang Special Education Fund gayong wala namang resolusyon para sa education project o ang pagpapatayo ng gusaling paaralan.
“Ang unang offer letter ay sa simpleng coupon bond lang nakasulat at yung pangalawang letter naman, ang ginamit ay yung official letter head at may zeal ni Mayor Fresnedi na pinalabas na natawaran niya yung presyo pero ang katotohanan ay kumita ng mahigit na P65 milyon si Mayor at yun ay maliwanag na Plunder,” pahayag ni Arciaga.