Nilinaw ng Palasyo ng Malacanang na hindi totoo ang mga naglabasang posts sa ilang social networking sites kaugnay sa mga umano’y Pilipino na dinukot ng ISIS sa Syria.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na mabilis na nakipag-ugnayan sa Malacanang si Ambassador Nestor Padalhan na siyang Charge D’Affairs ng bansa sa Syria.
Nilinaw ni Padalhan na hindi dinukot ng ISIS kundi hinuli ng mga otoridad sa Syria ang ilang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil expired na ang kanilang mga Iqama o working permit.
Tiniyak din ng nasabing opisyal na magbibigay ng legal help ang kanilang tanggapan para sa naturang mga Pinoy.
Sinabi rin ni Ambassador Padalhan na regular na tumatanggap ng briefings mula sa kanyang tanggapan ang mga manggagawang Pinoy sa Syria para maiwasang mabiktima ang mga ito ng mga armed groups na nagkalat sa naturang bansa.
Ani Lacierda na patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga bansang may presensya ang ISIS para mapangalagaan ang mga Pinoy sa mga lugar na iyun.