Plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumamit ng mas malalaking makina para tanggalin ang mga deep-seated sediment o yung mga mahihirap alisin na dumi sa Manila Bay.
Ayon kay Noel Ilao, DPWH Bureau of Equipment Director – nahihirapan silang alisin ang mga namuong dumi sa Manila bay dahil na rin sa taon na ang binilang at nagkapatung-patong at nanigas na.
Dahil dito ay plano ng DPWH na mag-assemble ng mas malalaking amphibious excavator para palambutin ang mga namuong dumi.
Ang bagong amphibious excavator ay mayroong mas maiksing mga galamay pero mas malaki ang kayang hakutin.
Sinabi ni Ilao, ang excavator na may maigsing galamay ay mas may puwersa sa paghuhukay.
Sa kasalukuyan, gumagamit ang DPWH ng 28 piraso ng equipment, kabilang ang tatlong bagong amphibious excavators, dalawang dumping scows at isang debris segregator para sa Manila Bay cleanup.