Pagkalas ng Pilipinas sa ICC, dagok sa pamilya ng mga biktima ng war on drugs

Ngayong araw magiging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at para sa mga nagsusulong sa mga karapatang pantao, isa itong dagok para sa mga pamilya ng mga biktima ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) bago maging epektibo ang pagkalas ng bansa sa ICC, ang hakbang ay pagtalikod umano ng Pilipinas sa mga international treaty obligations.

Isa rin umano itong pagtalikod sa mga tagumpay ng Pilipinas sa pagsusulong ng hustisya at karapatang pantao.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, sa huli ay mga Pilipino ang talo kung hindi na nila maaasahan ang justice system na protektahan sila.

Dahil sa pagkalas ng bansa sa ICC, tila nagwagi umano ang “impunity” sa bansa.

Noong March 2018 ay inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute, ang treaty na bumuo sa ICC.

Ito ay matapos ianunsyo ng tribunal na magsisimula ito ng preliminary examination sa reklamong crimes against humanity laban sa Pangulo dahil sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Nahaharap din si Duterte sa hiwalay na reklamo dahil naman sa umanoy mga patayan sa Davao City na kagagawan ng death squad noong ito ang alkalde ng lungsod.

Read more...