Naglinaw ang Regional Police Office sa Central Visayas (PRO-7) na nananatiling “person of interest” at hindi suspek si Jonas Bueno kaugnay ng pagpatay sa dalagitang si Christine Lee Silawan.
Ayon kay Chief Supt. Debold Sinas, PRO-7 director, sa ngayon, si Bueno na may standing arrest warrant dahil sa umanoy pagpatay sa isang magsasaka sa Danao City noong Enero ay isang person of interest pa lamang at hindi suspek sa kaso ng pagpatay kay Silawan.
Paliwanag ni Sinas, hindi nila makunsiderang suspek si Bueno sa pagpatay kay Silawan dahil wala silang ebidensya.
Pero inaalam na kung posibleng may koneksyon si Bueno sa pagpatay kay Silawan.
Dagdag ni Sinas, mayroon na silang lead sa tatlong katao na posibleng suspek sa krimen.
Sinabi rin ni Chief Insp. Milgrace Driz, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City na ang pag-aresto kay Bueno ay kaugnay ng ibang kaso at hindi sa pagpatay kay Silawan.
Nabatid na si Bueno kasama ang mga kuya nitong sina Jovie at Junrey ay pinatay umano ang magsasakang si Trinidad Batucan.
Gaya ni Silawan, binalatan si Batucan mula mukha hanggang dibdib nito.