Pumalag ang Manila Water sa mga alegasyong minamanipula nila ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ito ay matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaaring ‘artificial’ lamang ang water crisis.
Ayon kay Manila Water communications manager Dittie Galang, hindi sapat ang suplay ng tubig na nakukuha nila sa Angat Dam na dahilan para gamitin ang water reserve sa La Mesa Dam.
Mula pa taong 1997 ay naipakita na umano ng Manila Water ang magandang track record sa pagbibigay ng tubig sa East Zone ng Metro Manila.
Gayunman anya, mula 1997 ay hindi naman tumaas ang kanilang suplay sa kabila ng tumaas na demand.
Giit pa ni Galang, walang makukuha ang Manila Water sa pagmamanipula sa water supply at maraming mawawala sa kumpanya kung gagawin ito.
Anya pa, walang kapagurang nagtatrabaho ang kanilang mga empleyado para lamang makahanap ng solusyon sa nararanasang krisis sa tubig.