Forest cover sa ARMM, nadagdagan ng 6%
Maganda ang naging resulta ng malawakang logging ban na pinaiiral sa buong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Dahil kasi sa inilabas na Executive Order No. 001 ni ARMM Gov. Mujiv Hataman noon pang December 2011, tumaas ng 6 percent ang forest cover sa kanilang rehiyon.
Sa bisa ng nasabing direktiba na ipinatupad matapos ang pananalasa ng bagyong Sendong, ipinagbabawal na ang pagputol sa mga naturally grown na mga puno sa anumang bahagi ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Ayon kay Hadji Kahal Kedtag na kalihim ng ARMM environment and natural resources, lumabas sa resulta ng geo-mapping na lumawak ng 53,000 ektarya ang forest cover sa rehiyon ngayong huling quarter ng taon.
3,000 itong mas malawak kumpara sa 50,000 ektaryang naitala sa parehong panahon ng nagdaang taon.
Hindi bababa sa P1-milyon ang inilaang pondo ng ARMM para sa kanilang seedling nursery program sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.
Sa ilalim ng greening program, bawat probinsya sa ARMM ay pinagtanim ng mga binhi ng mga punong mabilis tumubo at para kumapal muli ang mga kagubatan sa pitong watershed areas nito.
Hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang nasabing logging ban, pero nilinaw ni Hataman na mayroong mga kumpanyang exempted dito dahil mayroon silang mga kaukulang logging permits.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.