Bagong narco list “verified” ayon kay Duterte

Inquirer file photo

Isinapubliko na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga pulitiko na kasama sa kanyang narco list.

Ito ay makaraan ang pulong ng National Peace and Order Council (NPOC) sa Davao City.

Kabilang sa listahan ng pangulo ang 82 mga pulitiko na kinabibilangan ng ilang gobernador, vice-governors, congressmen, mayors, vice-mayors at ilang konsehal.

Pero umabot  lamang sa 40 na mga pangalan ang kanyang nabanggit dahil hindi pa tiyak ang pangulo sa ilang mga kasama sa narco list.

Nilinaw rin ni Duterte na verified at may kinakitaan ng probable cause ang pagkakabanggit niya sa pangalan ng ilang mga pultiko na sabit sa droga.

Kabilang sa bagong narco list ng pangulo sina Pangasinan Rep. Jesus Celeste na ilang beses na umanong lumabas ang pangalan sa mga sangkot sa sindikato ng droga.

Kabilang rin dito sina Lucena City Mayor Roderick Alcala, Cong. Jeffrey Khonghun ng Zambales at San Rafel, Bulacan Mayor Cipriano Violago Jr.

Muli namang nakasama sa listahan ang mga dati na ring isinangkot ng pangulo sa illegal drugs na sina Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot at ang pinatalsik na na si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog.

Tiniyak rin ni Duterte na hindi makalulusot ang mga binanggit niyang pangalan dahil dumaan ito sa beripikasyon ng mga otoridad.

Present sa nasabing pulong ang mga top officials ng DILG, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

 

 

Read more...