Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng militar, pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong suspek na notoryus umano sa mga kidnap for ransom activity.
Ayon kay Lt. Col. Don Templonuevo, 44th Infantry Battalion Commander ng Philipine Army, ang mga suspek na sina Nicanel Maningo, Benhazer Anduhol at Solaiman Calon ay pawang miyembro ng ‘Barahama Alih Group’ at nadakip sa operasyon sa Brgy Tena bayan ng Ipil.
Maliban sa pagkakasangkot sa mga pagdukot, sangkot din ang mga suspek pagbebenta ng ilegal na droga.
Nakuha sa mga suspek ang isang caliber M-16 rifle, dalawang handguns, mga pambasabog, mga bala, plastic sachets ng hinihinalang shabu na may bigat na 1.5 kilos at tinatayang P10.2 Million ang halaga.
Tiniyak naman ni Col. Bagnus Gaerlan, Jr., commander ng 102nd Infantry Brigade na sa pagkakadakip sa tatlo at pagkakasabat sa mga gamit ng mga ito ay mapipilayan ang kanilang grupo sa mga ginagawang ilegal na aktibidad.
Ani Gaerlan, magpapatuloy ang pagtugis nila sa kasamahan ng tatlo.