Apat na akusado sa bawal na droga, hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo
Ginawaran ng habambuhay na pagkakulong ang isa sa apat habang ang tatlo ay hanggang labinlimang taon na pagkabilanggo ang ipinataw na parusa ng Manila Regional Trial Court (RTC) matapos na mapatunayang walang dudang nagkasala sa kaso ng bawal na droga.
Nagpalabas na rin ng mittimus order si Judge Emilio Rodolfo Legaspi III na nag-aatas na ilipat ang akusadong si Irene Reyes sa Correctional Institute for Women kung saan niya gugugulin ang habambuhay na pagkakakulong.
Kasabay nito ay nagpalabas na rin ng mittimus order para dalhin na sa New Bilibid Prisons ang mga akusadong sina Pablito Dulay, Andres Santos at Angelito Sicat kung saan nila pagsisilbihan ang hanggang 15 taon na parusa.
Inatasan ni Judge Legaspi si Reyes na magmulta ng P600,000 habang sina Dulay, Santos at Sicat ay pinagbabayad ng tig-P350,000 sa kanilang pagkakasala.
Sa record ng kaso, ang mga akusado ay nadakip noong December 2014 sa isinagawang anti-criminality campaign ng Manila Police District Station 2 Station Anti Illegal Drugs sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang isang plastic bag na naglalaman ng 50.75 na gramo ng shabu.
Itinanggi ng mga akusado ang alegasyon ng mga pulis at sinabing wala silang kinalaman sa pagbebenta ng illegal drugs, ngunit hindi binigyang-merito ni Judge Legaspi ang depensa na aniya ay pawang alibi lamang.
Kabilang sa team na humuli sa mga akusado ay sina SPO2 Merbarjin Alihuddin, PO3 Rodolfo Mayo, SPO1 Elymar Garcia, SPO3 Joel Sta. Maria at SPO2 Roman Jimenez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.