Direktor ng OWWA-Visayas, suspendido
Sinuspinde ng Ombudsman sa trabaho si Overseas Workers Welfare Association in Central Visayas (OWWA-7) Director II Wilfreda Misterio dahil napatunayan siyang guilty sa conduct prejudicial to the best interest of the service.
Bukod sa nasabing kasong administratibo, mahaharap din si Misterio sa pagdinig sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inuutusan kasi umano ni Misterio ang janitress sa opisina ng OWWA na maglinis at mag-hugas ng plato sa kaniyang sariling tahanan at kumukuha pa umano siya ng mga supplies ng opisina tulad ng mga baterya, alcohol at tissue para iuwi sa kanilang bahay.
Nagpapasundo rin si Misterio sa kaniyang bahay patungo sa opisina gamit ang sasakyan ng OWWA at napatunayan ding ni-reimburse niya ang meal allowance para sa isang taong hindi naman dumalo sa meeting.
Sa kaniyang isinumiteng counter-affidavit, iginiit niya na ang sasakyan ng OWWA-7 ay ginagamit lamang sa lahat ng mga official businesses, at na “unverified” at “unofficial” ang logbook ng security.
Inamin naman niyang dinadala niya sa kanilang bahay ang isang janitress ng opisina para linisin at ayusin ang ilang mga dokumento at mga papeles dahil aniya, kasama ito sa trabaho niya sa OWWA at na naghugas lamang ito ng plato dahil nakasanayan na niya ito.
Itinanggi naman niya ang sinasabing pagkuha niya ng mga supplies ng opisina para sa pansarili niyang pangangailangan at iginiit na totoong nagkamali siya sa pagkuha ng meal reimbursement ng isang empleyado kahit hindi naman ito kasama sa isang event.
Ayon sa desisyon na inilabas ni graft investigation and prosecution officer Carmelle Baybay-Suson na napatunayan ang mga ito bunsod ng mga testimonya ng driver ng OWWA at ng laman ng security logbook ng opisina.
Naniniwala din si Suson sa testimonya ng janitress ng OWWA, pero hindi ang argumento ni Misterio.
Sa halip kasi aniya na bigyang linaw ang mga akusasyon sa kaniya, hindi kapani-paniwala ang mga argumentong inihain ng naturang opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.