Ekonomiya ng Pilipinas, maaring labis na maapektuhan ng climate change

 

 

Inquirer file photo

Dahil sa madaling tablan ng mga epekto ng climate change ang Pilipinas, maaaring matinding maapektuhan ang mga naipundar na kaunlaran sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ito ay ayon kay Philippine Ambassador to France Ma. Theresa Lazaro, dahil aniya, sa tuwing sasalantahin ng kalamidad ang bansa, marami na namang masisira at posibleng maisailalim ang Pilipinas sa walang katapusang pag-aayos at pagkukumpuni.

Kaya naman ang pakay aniya talaga ng pagdalo ni Pangulong Benigno Aquino III sa 21st Conference of Paris o COP21 sa Paris ay para ipakita sa mga bansa ang kanilang posibleng maranasan kung hindi ititigil ang pagsira sa kalikasan.

Naging malaking halimbawa ang Pilipinas na nagpapakita ng malala, kung hindi man sukdulan, ng mga epekto ng climate change lalo na noong manalasa ang super bagyong Yolanda noong 2013.

Nagbabala na din ang mga siyentipiko na magdudulot ng malalang epekto sa mundo kung patuloy ang pag-taas ng temperatura, at dito sa pulong na ito tatalakayin ng world leaders kung ano ang mga maiaambag nila upang mabawasan o makontrol ang mga epekto ng global warming.

Kaugnay dito, nangako ang Pilipinas na babawasan ang mga carbon emissions ng 10 percent pagdating ng 2030 at para maisakatuparan ito, kakailanganin din natin ang tulong ng ibang bansa.

Samantala, nakarating na sa bansa si Pangulong Aquino upang dumalo sa COP21.

Read more...