Pahayag ito ng Pangulo ilang araw bago ang deadline ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
“For the things that I have said, ordered and done, I am willing to put my neck dito sa mga bagay na ‘to. Eh baka balang araw itong ICC na itong mga bugok na ito, if they decide to hang me, I would be very glad to go and ako pa ang maglagay…,” ani Duterte sa talumpati sa Isabela.
Sa Linggo March 17 ay magiging epektibo ang pag-withdraw ng bansa sa pagiging miyembro nito sa Hague-based tribunal.
Ito ay kung wala pang ilalabas na desisyon ang Korte Suprema sa petisyon na ideklarang unconstitutional ang desisyon ng Pangulo na kumalas ang bansa sa ICC.
Unang inihain sa ICC ang dalawang communications kaugnay ng kampanya ng administrasyon laban sa droga.
Noong Pebrero 2018 ay nagkaroon ng preliminary examination ang ICC para alamin kung may hurisdiksyon ito sa isyu at kung kailangan ang full blown investigation.
Iginiit ng Malakanyang na pwede lamang magtuloy ng hakbang ang ICC kung mayroon na itong preliminary investigation sa mga reklamo laban sa Pangulo.
Ilang beses na ring sinabi ni Duterte na walang hurisdiksyon sa kanya ang ICC sa dahilang ang treaty na bumuo rito ay hindi pwedeng ipatupad sa bansa dahil hindi ito napublish sa government publication o anumang pahayagan.