Isa ang patay at hindi bababa sa 12 ang sugatan kabilang ang limang menor de edad matapos na sumalpok ang isang SUV sa isang children’s amusement center sa isang mall sa Carmona, Cavite araw ng Miyerkules.
Nabatid na nakatulog umano ang driver ng Montero na nakilalang si Rosendo Mamucod.
Nakatulog umano si Mamucod sa loob ng nakaparadang Montero habang hinihintay ang misis na bumibili ng gamot.
Ayon kay Chief Supt. Rommel Carcellar, hepe ng Carmona PNP, nagrequest na sila ng CCTV footage ng mall para makumpirma kung ang pangyayari ay isa na namang kaso ng SUA o sudden unintended acceleration na una nang naranasan ng ilang units ng Montero.
Nabatid ni Carcellar sa doktor na ang nag-iisang namatay ay nagtamo ng head injury.
Ang mga nasugatan naman ay dinala sa ospital sa Carmona.
Nabatid na ang driver na si Mamucod ay na-stroke ilang buwan na ang nakaraan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa pamunuan ng mall ukol sa insidente.
Sa mga posts sa social media ay makikita ang mga litrato at video ng pangyayari.