Nilinaw ng pulisya sa Lapu Lapu City, Cebu na walang “shoot to kill” order laban sa mga pumatay sa 16 anyos na si Christine Silawan.
Si Silawan ang pinatay, binalatan ang mukha at itinapon ang bangkay nito sa bakanteng lote sa Barangay Bangkal noong March 11.
Ayon kay Sr. Insp. Limuel Obon, director ng Lapu Lapu City Police Office, nais nila na buhay na maaresto ang mga suspek.
Sa ngayon ay tinutugis ng pulisya ang pangunahing suspek at mga kasabwat nito sa brutal na krimen.
Ang utos ni Obon sa mga tauhan, dapat na buhay maaresto ang mga suspek. Kung manlaban at mamaril ang mga ito ay mag-cover anya ang mga pulis.
Nais ng pulisya na sumuko ang mga kriminal at harapin ang kaso.
Tumanggi si Obon na pangalanan ang main suspect pero ito anya ay lalaki na huling nakapalitan ng dalagita ng mensahe.
Mayroon anyang nakabinbin na kasong murder ang lalaki pero hindi kumpirmado kung may romantikong ugnayan ito sa biktima.
Samantala, nais din ng pamilya Silawan na mahuli ng buhay ang mga suspek.
Nais ng kapatid ni Christine na si Lousiline na maghirap sa kulungan ang mga suspek.