Eroplano mula Taipei, nag overshoot sa runway ng Kalibo Airport; 122 pasahero ligtas
(UPDATE) Ligtas ang lahat ng 122 na pasahero ng isang eroplano mula Taipei na nag overshoot sa runway ng Kalibo International Airport alas 6:05 Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), walang nasaktan sa lahat ng sakay ng Far Eastern Air Transport flight FE321 na isang McDonnell Douglas MD-83 type aircraft na may tail number B-28027.
Nagkaroon anya ng tinatawag na soft spot kung saan nag over-extend ang isang gulong ng eroplano sa madamong bahagi ng runway.
Para anya sa safety reason ay hindi pinilit na umandar ang eroplano para hindi lalong mabaon.
Paliwanag pa ni Apolonio, isa lang ang runway ng paliparan sa probinsya gaya ng Kalibo International Airport kaya pagbaba ng eroplano ay umiikot ito patungo sa terminal building pero nag overshoot ang eroplano.
Ang mga pasahero ay tinulungang makababa ng eroplano at dinala sa airport terminal habang ang eroplano ay tinow sa remote bay.
Pansamantalang naantala ang ibang biyahe dahil sa insidente.
Alas 7:30 ng gabi ay balik na sa normal ang operasyon ng airport.
Patuloy ang imbestigasyon pero sa inisyal na assessment ng technical team ay lumalabas na wala namang pinsala ang eroplano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.