Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na mag-oobliga ng espesyal na proteksyon sa batang pasahero sa sasakyan.
Nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act noong February 22 pero kahapon lamang Martes naisapubliko.
Nakasaad sa bagong batas na obligado ang driver na i-secure ang batang pasahero na 12 anyos pababa sa pamamagitan ng “child restraint system” habang nasa biyahe sa kalsada o highway.
Maaaring gumamit ng device na kayang magsakay ng batang pasahero sa paupong posisyon na ang disenyo ay layong mabawasan ang pinsala sakaling magkaroon ng aksidente o anumang banta sa kaligtasan ng bata.
Ang device ay dapat na angkop sa edad, taas at timbang ng bata at dapat aprubado alinsunod sa safety standards para sa child restraint system.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa average na 667 bata, na nasa 14 anyos pababa, ang namamatay kada taon mula 2006 hanggang 2015 dahil sa vehicular accidents.