Sa isang circular na inilabas kahapon (Mar.12), pinatanggal ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang bayad para sa funeral masses at blessings sa kanyang diyosesis.
Epektibo ang kautusan sa April 21, Easter Sunday.
Ayon kay Santos, hindi dapat naoobliga ang mga mananampalataya para sa arancel o fixed rates para sa mga sakramento.
Samantala, susunod na anya ang pagtatanggal ng bayad para sa binyag, kasal, kumpil at mga Misa sa mga susunod na taon.
Plano anya ni Santos na maalis ang arancel system sa kanyang diyosesis kasabay ng selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diocese of Balanga sa 2025.
Ayon kay Archdiocese of Manila Office of Communications head Fr. Roy Bellen, target ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na tuldukan ang arancel system sa 2021, ang ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansa.
Layon nitong panibaguhin ang pananaw ng mga mananampalataya at suportahan ang Simbahan kaysa isiping binibili nila ang mga sakramento.
Noon pang 2015 ipinag-utos ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang pag-aalis ng bayad sa mga sakramento sa kanyang nasasakupan.