DA: Pinsala ng tagtuyot sa Agrikultura umabot na sa halos P500M
Nasa halos P500 milyon na ang halaga ng pinsala ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.
Sa datos na ibinahagi ni Agriculture Sec. Manny Piñol, umabot sa P464.3 milyon ang kabuuang pinsala ng tagtuyot sa mga palayan at maisan.
Apektado nito ang 16,034 na magsasaka sa MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN at BARMM.
Ayon kay Piñol, bagaman nabawasan ang produksyon dahil sa epekto ng tagtuyot, ‘minimal’ pa lamang ang pinsala dahil dumating ang El Niño kung kailan patapos na ang harvest season.
Upang masolusyonan ang problema sa tubig na pang-irigasyon, plano ng Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng cloud seeding.
Gayunman, isasagawa lamang ito sa mga piling lugar dahil sa posibleng epekto nito sa ibang pananim.
Handa rin ang kagawaran na magbigay ng crop insurance sa mga apektadong magsasaka.
Pinayuhan naman ang mga magsasaka na kung may natitira pang tubig pang-irigasyon ay magtanim ng ibang pananim tulad ng niyog, pakwan at rootcrops.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.