Pagadian City, nagdeklara na rin ng state of calamity dahil sa tagtuyot

File photo

Idineklara ng City Council ng Pagadian City araw ng Martes ang pagsasailalim sa kanilang lungsod sa state of calamity dahil sa epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.

Aabot na sa P102 milyon ang pinsala ng dry spell sa kanilang agricultural products.

Ayon kay City Agriculturist Annie Tenorio, ang tagtuyot ay nakaapekto na sa higit isang libong magsasaka sa 40 baranggay ng lungsod.

Pinakamalaki ang pinsala sa mais sa P69.6 milyon; ang pinsala sa bigas ay umabot sa P9.3 milyon habang ang iba pang high-value crops at seaweeds ay nagtala rin ng pinsala na aabot sa P23.4 milyon.

Samantala, ayon kay City Veterinarian Dr. Leonora Sulay, may pinsala rin sa livestock products at nangangailangan na ang mga magsasaka ng tulong para sa feeds gayong kulang ang kanilang kita dahil sa pinsala sa kanilang mga sakahan.

Inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng cash-for-work program.

Hinihintay naman ang damage reports ng local DRRMOs para malaman kung irerekomenda ang state of calamity sa buong Zamboanga del Sur.

Bago ang Pagadian City ay nagdeklara na noong nakaraang linggo ng state of calamity ang bayan ng Dimataling.

Read more...