Nagulat ang Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng galunggong at manok sa Muñoz Market sa Quezon City.
Sa pag-iikot ng DTI sa mga palengke at supermarkets kahapon, inalam ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa Muñoz Market, umabot sa P140 hanggang P150 kada kilo ang bentahan ng galunggong.
Ayon sa kagawaran, dapat ay hanggang sa P110 lamang ang presyuhan ng kada kilo ng galunggong.
Ang manok naman ay umaabot din hanggang P150 na ayon sa DTI ay dapat hanggang P135 lamang.
Apela ni DTI Usec. Ruth Castelo sa mga nagtitinda, huwag masyadong itaas ang presyo dahil alam ng gobyerno kung magkano lamang dapat ang presyuhan.
Samantala, sa kabila ng water shortage, sapat pa rin ang suplay ng bottled water sa supermarkets at wala pa ring pagbabago sa presyo ayon sa kagawaran.
Gayunman, hindi umano nila kontrolado ang water-refilling stations na nagtaas na ng singil dahil sa kakulangan ng tubig mula sa Manila Water.