MMDA, irerekomendang ipagbawal ang shorts sa motorcycle riders at naka-angkas

Irerekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) ang kumpletong dress code at protective gears para sa mga motorcycle riders at kanilang mga angkas.

Ibig sabihin, nakatakdang ipagbawal ang shorts sa mga riders at naka-angkas.

Layon nitong matiyak ang kaligtasan ng mga nagmomotor dahil kalimitang mas nagtatamo ng injuries o sugat sa mga aksidente ang mga rider at angkas na nakashorts.

Giit ni MMDA General Manager Jojo Garcia, mainit ang makina ng motor at tambutso kaya’t kapag nakapaso ay posibleng maging sanhi ng aksidente.

Sa kasulukuyan, tanging sakop lamang ng batas ang hindi pagsusuot ng helmet na may katapat na multa na P1,500 at ang pagmamaneho ng motor ng nakatsinelas o nakapaa.

Samantala, ipatutupad na rin ng MMDA ang Metro Manila Council Resolution 2007 kung saan huhulihin ang mga hindi nakabukas ang headlight.

Ang mga lalabag ay magmumulta ng P150 hanggang P500 at pwede ring masuspinde ang lisensya.

Magpapatawag ng pulong ang MMDA sa mga stakeholders at LTO upang balangkasin ang mga imumungkahing batas.

Read more...