Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang kinalaman ang pagkamatay ng isang estudyante sa Iloilo sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, hindi na ROTC commander ang suspek nang maganap ang insidente, taliwas sa lumabas na mga balita.
Matatandaan na natagpuang patay si Willy Amihoy, estudyante ng Iloilo State University sa loob ng banyo ng dormitoryo ng mga kalalakihan sa Iloilo State College of Fisheries Dumangas Campus noong Lunes.
Unang naiulat na ang suspek na si Elmer Decilao ay isang ROTC corps commander sa naturang ekwelahan.
Pero ayon kay Arevalo, dating corps commander ng ROTC si Decilao pero ngayon ay hindi na.
“This is entirely erroneous…The suspect used to be a corps commander of ROTC, but he’s no longer one. He is no longer enrolled with the ROTC. He’s a graduating student while the victim is a freshman,” ani Arevalo.
Hindi anya dapat iugnay ang kaso sa ROTC program kaya dapat nang itigil ang pagkakalat ng anyay kasinungalingan.
Nabatid na roommates sa dormitoryo ang dalawa.
Nagalit umano ang suspek sa biktima na inakusahan nitong nagnakaw ng kanyang pitaka.
Hinambalos ni Decilao ang ulo ni Amihoy ng tubo saka nito dinala ang katawan ng biktima sa banyo.