Andaya: Mission accomplished na kami sa 2019 national budget

Nanindigan ang liderato ng Kamara na nasa kamay na ng Senado ang P3.35 Trillion na 2019 national budget ayon kay House Appropriations Committee Chair Rolando Andaya Jr.

Sa isang press conference ay ipinakita ni Andaya ang kopya ng 2019 expenditure plan na naghihintay na lamang sa lagda ng pangulo.

“Mission accomplished na kami and we tend to send this to the Palace this afternoon and the copies for the Senate have already been sent,” ayon kay Andaya.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na plantsado na sa ginawang bicameral conference committee hearing ang lahat ng isyu sa pondo.

Paliwanag pa ni Andaya, “Yung detalye binibigay po ‘yan matapos mapirmahan ang bicam report… Ang bawal ho ay ‘yung makialam ang sino mang myembro ng Kongreso o Kongreso sa post-enactment stage of the budget execution”.

Nauna dito ay sinabi ng pangulo na hindi siya lalagda sa anumang dokumento kung ito ay ilegal kaya pinayuhan niya ang liderato ng Senado at Kamara na ayusin at busisiin ng husto ang laman ng 2019 national budget.

Dagdag pa ni Andaya, “I even don’t want to talk about that, ayokong pag-isipan ‘yan. Ginawa namin ang trabaho namin. Pinaghirapan namin ‘to. Medyo huli na tayo so siguro naman napapanahon na na ipasa natin ‘to.”

Mamayang gabi ay nakatakdang ring kausapin ng pangulo sina Senate President Vicente “Tito” Sotto at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Read more...