Ayon sa alkalde, ang indibidwal na emergency kits o Go Bag 2 ay ipinamimigay nang libre sa ga mag-aaral ng public high school sa Makati bilang bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng kanyang pamunuan na maitaguyod ang matatag at progresibong mga komunidad sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Abby, kailangang matututunan ng mga kabataan ang kahalagahan ng pagiging handa at ng kakayahang matulungan ang kanilang sarili kung kinakailangan.
Aniya, layon ng proyekto na mamayani ang “culture of preparedness” sa kabataang Makatizen.
Kapag naging bahagi ng kanilang pananaw at pamumuhay ang kahandaan sa kalamidad, mas makakaiwas sila sa anumang pinsalang dulot nito.
Bukod dito, maiimpluwensiyahan pa nila ang kanilang mga magulang na maghanda ng emergency go bag para sa buong pamilya, dagdag pa ni Mayor Abby.
Aniya, kailangang magtulungan ang lahat ng stakeholders upang makamit ang inaasam na resilience para sa buong Makati.
Ang “go bag” ay isang portable survival kit na makakatulong sa isang indibidwal o pamilya na makapamuhay sa loob ng 72 oras matapos ang isang sakuna.
Naglalaman ito ng pagkain, tubig, hygiene kit, first aid kit, flashlight, at iba pang kinakailangang kagamitan.
Sa pamamagitan ng Makati Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), sinimulan noong unang kwarter ng 2018 ang pamamahagi ng life-saving kits sa mga pampublikong elementarya at high school sa lungsod, mga kawani ng City Hall, at mga residente na nakatira sa limang barangay na tinatahak ng West Valley Fault (WVF).
Ngayong taon, mas palalawakin pa ang pamamahagi ng Go Bags upang maisagawa ang layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng Go Bag 2 ang bawat isa sa mahigit 90,000 mag-aaral sa mga public elementary at high school sa Makati, kabilang ang Higher School ng UMak.
Isinagawa ang turnover ceremony ng Go Bags noong March 7 sa 13 paaralan, kabilang ang mga sumusunod:
District 1: Bangkal High School, San Isidro National High School, San Antonio National High School, Maximo Estrella High School, Gen. Pio Del Pilar National High School, at Makati High Schoool.
Sa District 2: Benigno ‘Ninoy’ Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio High School, Higher School ng UMak, Makati Science High School, at Pitogo High School.
Sa tala ng Makati DRRMO, 1,600 na malalaking go bags o Go Bag 1 ang unang naipamahagi na sa 21 elementarya at anim na hayskul sa lungsod, 31 na mga barangay, iba’t ibang opisina ng pamahalaang lungsod, at sa 553 pamilyang nakatira malapit sa West Valley Fault Line.
Naglalaman ang bawat Go Bag 1 ng 91 items, kabilang ang hygiene kit; iba’t-ibang kagamitan para sa ilaw, komunikasyon, first aid, at proteksyon; at iba pang emergency tools.
Samantala, 10,646 Go Bag 2 naman ang unang naipamahagi sa mga mag-aaral sa Makati public schools, kabilang ang 3,891 bags para sa day care pupils at 557 bags para sa mga Sped Learners.
Ang bawat bag ay naglalaman ng 14 items kabilang ang food bars, emergency stick (glow-in-the-dark), thermal blanket at N95 respiratory mask para sa mga bata.