Open letter sa Inquirer ng blogger na si ‘Antonio Evangelista’
Nagbabala ang blogger na si “Antonio Ramirez Ebangelista” sa mga lider ng Iglesia ni Cristo (INC) na isisiwalat nito sa publiko ang katiwalian na umiiral sa naturang sekta.
Bahagi ito ng nilalaman ng isang open letter na ibinigay ni Ebangelista sa Inquirer.
Si Ebangelista ay ang blogger na naglantad ng mga umano ay irregularidad na pamamalakad sa loob ng INC at ang nagsiwalat ng ilegal na pagkukulong sa mga itiniwalag na ministro ng samahan.
Matapang din na sinabi ni Ebangelista sa kanyang open letter na handa siyang isiwalat sa publiko ang mga miyembro ng INC na mapapatunayang sangkot sa katiwalian katulad na lamang ng paggamit sa pera ng samahan sa kanilang personal na interes.
Iginiit ni Ebangelista na ang ilang ministro ng Sanggunian ay naniniwalang mas makapangyarihan pa ang mga ito sa batas at kaya nilang suhulan ang sinuman sa mga opisyal ng gobyerno upang makalusot sa mga alegasyong ibinabato sa kanila.
Ayon pa kay Ebangelista, ilan pang mga blogger na nagtatago sa mga pangalang Sher Lock, Nina Agiluz, Katnize Everdene, Benito Affleck, Danica Rosales, Alexander Tobias and Kelly Ong ang lumitaw para patotohanan ang umano ay korapsyon na nangyayari sa INC.
Ang mga nasabing blogger ay parte ng tumataas na bilang ng mga “defenders” sa buong mundo na may layuning sugpuin ang katiwalian sa loob ng INC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.