Sa ngayon, 95.6% ng tubig sa Metro Manila ay galing Angat Dam na umaasa naman sa mga bagyo at ulan na bumabagsak dito. Kaya’t kapag nag-El Niño at kukonti ang ulan sa bawat taon, hirap sa suplay ng tubig.
Ang MWSS ay merong mga planong “Laiban-Kanan dam” sa Tanay Rizal at “Kaliwa dam” sa Infanta at General Nakar, Quezon sa ilalim ng kanilang “New Centennial Water Source Project” upang kumuha ng ibang water sources maliban sa Angat.
Katunayan, nai-award na sa China Energy Engineering Co. Ltd ang pagdisenyo at konstruksyon ng Kaliwa dam na 60-meters ang taas kasama ng isang 27.7 kilometer na “raw water conveyance tunnel”. Ito’y magsu-suplay ng 2,400M liters bawat araw at dadagdag sa kasalukuyang suplay na 4,132M liters bawat araw mula Angat. Ang halaga ng proyekto ay P18.72 billion kung saan P10.2 billion ay manggagaling sa “Official Development Assistance” o ODA ng China. Ang hinihintay na lamang ay ang “environmental clearance” mula kay DENR Sec. Roy Cimatu. Ang pangako ng MWSS, pagdating ng 2022 o tatlong taon mula ngayon ay maitatayo ang mga bagong dam na ito kung wala nang “delay” sa paper work at sa DENR.
Marami ang kumokontra tulad ng environmentalists, church groups at mga pamilyang mare-relocate dahil sa mga proyekto. Isang watershed area na may lawak na 9,400 hectares ang ilulubog sa tubig, kasama ang 7 mountain barangays, kung saan apektado ang higit 6,000 families. May nagsasabi rin na ito raw ay isang “Chinese Debt trap” tulad ng sa Sri Lanka. Mga akusasyong titimbangin ng “political will” ng kasalukuyang administrasyon.
Meron ding “unsolicited proposal” ang MWSS mula sa grupo ni Quezon congressman Danny Suarez na magtayo ng isang 400-megawatt Hydro-electric power project sa Kanan river. Kuryente ang negosyo nila kaya’t ang by-product nitong tubi, mga 3,000M liters per day, ay ibibigay sa MWSS sa murang halaga.
Sa ngayon, meron nang 35.5M ang residente ng Mega Manila at sa susunod na sampung taon, ito’y lalampas ng 40M. Talagang dumadami na ang mga tao at ang panibagong pagkukunan ng tubig ay isang pambansang prayoridad.
Sa totoo lang, matagal na tayong sinisingil ng MWSS para sa konstruksyon ng “drowing” pa lamang noon na “Laiban dam” at iyan ay nasa resibo mo hanggang ngayon. Noong 2011, ang binayaran natin sa water bills para konstruksyon ng Laiban dam ay nasa P11 billion. Magkano kaya ito ngayon?
Sa aking palagay, dapat ay wala nang “delay” ang pagtatayo ng Kanan-Laiban dam at Kaliwa dam . Hihintayin pa ba nating magka-problema ang Angat Dam, una sa kakapusan ng tubig o sa trahedyang mangyayari kung mapinsala ito ng paggalaw ng “West Valley faultline”?