INC, inakusahang hindi nagbayad ng buwis sa Amerika
Inireklamo ng pandaraya sa buwis ng isang dating ministro ng Iglesia ni Cristo ang naturang sekta, kanilang Executive Minister na si Eduardo Manalo at auditor na si Glicerio Santos Jr. sa United States Internal Revenue Service o IRS.
Sinabi sa Inquirer ng sisenta’y singko anyos na Amerikanong si Vincent Florida, dating ministro ng INC ng Northern Virginia Congregation na isinumite niya ang IRS Form 3949A dahil umano sa kabiguan ng INC na magbayad ng buwis noong nagdaang buwan ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Ang IRS Form 3949A ay ginagamit para isumbong ang mga pinagsususpetsahang pandaraya sa buwis, kasama na ang false exemptions o deductions, kickbacks, false o altered documents, kabiguan sa pagbabayad ng buwis, unreported income at organized crime.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagsasagawa ng imbestigasyon ang IRS.
Si Florida ay umalis sa INC nito lamang nagdaang buwan ng Hulyo matapos lumutang ang mga alegasyon ng korapsiyon sa sekta at umano’y pagdukot sa ilang mga ministro na kritikal sa liderato ng simbahan.
Ayon pa kay Florida, tanging ang mga tseke lamang na natanggap ng simbahan bilang offerings mula sa bi-weekly worship services ang idineposito sa bangko.
Nirendahan aniya ang mga kongregasyon na palitan ang mga cash collection ng tig- 100 dollar bills para ibigay ang pera sa mga district auditor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.