Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tama ang desisyon ng pangulo na abandonahin ang suporta sa isinusulong na medical marijuana law sa bansa.
Si Sotto ay kilalang anti-illegal drug advocate at naging pinuno rin ng Dangerous Drugs Board.
Kahapon ay sinabi ng pangulo na kanyang napagtanto na posibleng abusuhin lang at gamiting dahilan ang medical marijuana para maisulong ang mas malalang drug problem sa bansa.
“They’ll give you the excuse to harvest for… they’ll say for medicinal use. Everything now is for medicinal use. That would be an excuse. I did not approve. Not in my time, not in my time,” ayon sa pangulo.
Sinabi ni Sotto na sa simula pa lamang ay malaki na ang kanyang hinala na ang mga sindikato rin ng droga ang nagtutulak sa legalisasyon ng medical marijuana sa Pilipinas.
Mas magiging kumplikado ayon kay Sotto ang kampanya kontra sa droga sakaling maging legal na sa ilang aspeto ang paggamit ng marijuan.
Kung gagamitin rin lang naman ito bilang gamot, sinabi ng pinuno ng Senado na maraming uri ng iba pang mga legal na gamot ang pwedeng ipangtapat sa mga sakit.
Magugunitang sa kanyang mga naunang pahayag ay sinabi ng pangulo na pabor siya sa paggamit ng marijuana for medical purposes.
Pati si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay umamin na nakagamit na rin siya ng gamot na kanyang sakit kung saan ay main ingredient nito ang marijuana.