Climate Vulnerable Forum, pangungunahan ni Pangulong Aquino

paris climate change
Larawan mula sa AP/INQUIRER.NET

Magiging kabahagi si Pangulong Benigno Aquino III sa pandaigdigang paglaban sa climate change.

Dadalo ang presidente sa ikadalawampu’t isang Conference of Parties o COP21 para sa United Nations Framework Convention on Climate Change sa Paris, France na magsisimula na bukas, Lunes, November 30.

Partikular na pangungunahan ng pangulo ang pagtalakay sa Climate Vulnerable Forum sa sideline ng Climate Conference.

Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, nasa dalawampung mga lider ng ibat-ibang bansa ang dadalo sa nasabing forum.

Ito ay kinabibilangan ng mga developing countries na siyang higit na apektado ng mga malalang kalamidad dulot ng pagbabago ng klima.

Layunin ng forum na ito na makalikom ng pondo mula sa pribadong sektor para magamit sa mga mahihirap na bansang madalas makaranas ng mga delubyo gaya ng Pilipinas.

Kasabay nito, makikiisa at magbibigay ng suporta ang mga world leaders sa naganap na Friday the 13th terror attack sa anim na magkakaibang lugar sa Paris na kumitil sa buhay ng 129 katao.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Maria Cleofe Natividad, tiniyak ng French government ang pinaigting na seguridad para sa mga leaders na dadalo sa COP21 Leader’s meeting kabilang na ang Pangulong Aquino.

Bukod kay Pangulong Aquino, inaasahang dadalo rin sa naturang forum sina United States President Barack Obama, Russian President Vladimir Putin, Chinese President Xi Jinping at British Prime Minister David Cameron.

Read more...