NPA nabigo sa kanilang tangkang pagsalakay sa Infanta, Quezon
Nausyami ang plano ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) na pagsalakay sana sa isang construction firm sa lalawigan ng Quezon.
Sa ulat ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang labanan sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar laban sa mga rebelde sa Sitio Salok, Barangay Magsaysay sa Infanta, Quezon.
Sinalakay ng mga NPA members na kabilang sa Platoon 1 ng SRMA-4A ang tanggapan ng Northern Builders sa lugar na siyang kontratista sa itinatayong Kaliwa Dam.
Pagdating nila sa lugar ay sinalubong sila ng mga pwersa ng pamahalaan kung saan ay tumagal ng 30 minuto ang bakbakan.
Apat ang sugatan sa mga tauhan ng militar samantalang may mga bakas naman ng dugo sa rutang tinahak ng mga tumakas na rebelde.
Target ng mga rebelde na sunugin ang ilang heavy equipments na pag-aari ng Northern Builders dahil sa pagtanggi ng nasabing kumpanya na magbigay ng revolutionary tax sa mga miyembro ng NPA.
Noong nakalipas na buwan ng Pebrero lamang ay nagsagawa rin ng pagsalakay sa lugar ang nasabing grupo.
Sinabi pa sa ulat ng militar na posibleng kasama sa naging pag-atake sa bayan ng Infanta ang ilan sa mga bagong recruit ng CPP-NPA na mga kabataang kabilang sa ilang militanteng grupo.
Ito ay base na rin sa intelligence report na nakuha ng Armed Forces of the Philippines.
Ang buong pwersa ng militar at pulisya sa mga lalawigan ay nasa full alert dahil sa mga inaasahang pag-atake ng NPA habang papalapit ang kanilang anibersaryo sa Marso 29.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.