Kinumpirma ng isang opisyal ng militar na ang European Union at Belgium ang nasa likod ng pagbibigay ng pondo sa ilang mga non-government organizations (NGO) na sinasabing front ng Communist Party of the Philippines.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) deputy chief of staff for civil military operations BGen. Antonio Parlade Jr. na mismong mga opisyal ng EU at pamahalaan ng Belgium ang nagkumpirma sa pagtulong sa ilang NGO sa bansa.
Sila na rin umano ang nagsabi na kaagad nilang ititigil ang pagbibigay ng pondo sa ilang NGO makaraan ang ginagawang evaluation dahil sa ibinigay sa kanilang ulat ng militar.
Ilang opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang nakapulong kamakailan ng mga kinatawan ng Belgium at EU.
Posible umanong inakala ng EU at Belgian government na mga lihitimong grupo sa bansa ang kanilang kaugnayan pero lingid sa kanilang kaalaman na front organizations ang mga ito ng komunistang grupo.
Bukod sa pangongolekta ng revolutionary tax, sinabi ng grupo na abala rin ng mga samahang kaalyado ng Communist Party of the Philippines sa paghingi ng foreign funding.
Kailangan umano ang malaking pondo para patakbuhin ang kanilang organisasyon kasama na ng ilang partylist groups lalo’t papalapit na ang halalan sa buwan ng Mayo.