Pasok sa trabaho at eskwela sa Venezuela sinuspinde dahil sa malawakang blackout
Naranasan ang isang malawakang blackout sa Venezuela mula araw ng Huwebes dahilan para suspendihin ng pambansang gobyerno ang pasok sa eskwela at trabaho.
Nagdulot ng matinding abala sa mga milyun-milyong mga mamamayan ang blackout na sinasabing isa sa pinakamalala sa kasaysayan ng bansa.
Daan-daang empleyado ang nagkalat sa mga kalye ng Caracas at napilitang maglakad dahil suspendido ang operasyon ng subway service.
Apektado rin ang operasyon ng mga ospital, telephone services, internet, airports at iba pang mahahalagang public services.
Nagdulot din ng matinding trapiko ang kawalan ng ilaw ng mga stoplights.
Sa kanyang Twitter account, isinisi ni Venezuelan President Nicolas Maduro sa Estados Unidos ang power outage.
Nanawagan naman ang information minister ni Maduro na si Jorge Rodriguez na manatili ang mga mamamayan sa kanilang mga tahanan o hindi kaya ay sa mga lugar kung saan sila ay ligtas.
Ang blackout ay sa gitna ng political rivalry sa pagitan nina Maduro at opposition leader Juan Guiado.
Si Guaido ay suportado ng US at ng 50 iba pang bansa at ito ang kanilang kinikilalang presidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.