P100,000 na cash gift ipinagkaloob sa dalawang Makati centenarians
Binisita ni Makati Mayor Abby Binay ang dalawang bagong centenarians ng lungsod sa kani-kanilang tahanan at ipinagkaloob ang tsekeng nagkakahalaga ng P100,000 bilang cash gift at plake ng pagkilala.
Bahagi ito ng pagpupugay na ibinibigay ng lungsod sa mga nakatatandang residente nito upang pasalamatan sila sa mga nai-ambag sa kaunlaran ng lungsod.
Nagpahayag ng kasiyahan ang alkalde sa pagkakataong makilala ang mga bagong centenarian na sina Gng. Esperanza Jacinto ng Barangay Bangkal at Ginoong Eugenio Palileo ng Barangay Magallanes.
Si Gng. Jacinto ay ipinanganak noong Disyembre 29, 1918. Sa edad na 17, siya ay ikinasal sa musikerong si Francisco Jacinto at sila ay nagkaroon ng pitong anak. Siya ay nagkaroon ng sari-sari store at maliit na karinderya na kanyang pinaulad sa paglipas ng panahon.
Si Ginoong Palileo naman, ay ipinanganak noong Disyembre 14, 1918. Siya ay nagtapos bilang inhinyero sa University of the Philippines at nakamit niya ang ikaapat na pwesto sa engineering board examination. Nagtapos din siya ng abogasya noong 1953.
Noong World War II, siya ay nagsilbi bilang first lieutenant sa United States Armed Forces in the Far East (USAFFE).
Pagkatapos ng digmaan, siya ay nagtrabaho sa Development Bank of the Philippines bilang Chief Engineer/Appraiser, at namuno sa iba’t ibang division nito sa loob ng 35 taon.
Sa kasalukuyan, 54 na sentenaryo na ang nabigyan ng lungsod ng P100,000 cash gift mula noong 2012 alinsunod sa City Ordinance No. 2012-099.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.