2 FA-50 Fighter Jets ng PAF dumating na sa bansa
Dumating na sa bansa ang dalawa sa labingdalawang FA-50 Fighter Jets na binili ng Pilipinas mula sa South Korea.
Mula sa South Korea, pinalipad ng dalawang South Korean pilots ang nasabing mga fighter jets at sinalubong naman sa Clark Air Base nina Defense Sec.Voltaire Gazmin at AFP Chief of Staff Chief Gen. Hernando Ireberri.
Ang mga bagong sasakyang panghimpapawid ang siyang kauna-unahang “supersonic” plane ng Phillppine Air Force.
Sinabi ni Gazmin na malaki ang maitutulong ng nasabing mga FA-50s sa pagpapatatag ng ating seguridad lalo na sa mga foreign aggressors.
Ipinaliwanag naman ni Lt. Col. Rolando Conrad Peña III, isa sa mga kauna-unahang piloting Pinoy na tinuruang magpalipad ng nasabing uri ng fighter jet na makasaysayan ang araw na ito hindi lamang para sa kanya kundi sa buong PAF.
Mula nang i-decommissioned ang mga F5 Jets ng PAF ay ngayon lang nakabili ang bansa ng pamalit sa nasabing mga lumang air assets ng Philippine Air Force.
Sa kalagitnaan ng taong 2017 inaasahang makukumpleto ang 12 FA-50s na binili natin mula sa South Korea na nagkakahalaga ng P18.9 Billion.
Mula sa orihinal na isang squadron o 24 na Fighter Jets, kalahati lang muna ang binili ng pamahalaan dahil sa kakapusan ng available na budget para sa mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.