Malacañang, bumuwelta sa pahayag ng UN rights chief tungkol sa drug war
Dumepensa ang Palasyo ng Malacañang sa naging pahayag ni United Nations High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet tungkol sa giyera kontra droga.
Sa isang talumpati sa 40 session ng UN Human Rights Council sa Geneva, sinabi ni Bachelet na hindi dapat tularan ng ibang bansa ang anti-drug war campaign ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maling impormasyon ang naibigay kay Bachelet na anya’y pinalutang ng mga kritiko ng presidente.
Iginiit ni Panelo na sumusunod sa mahigpit na protocol ang mga awtoridad sa kanilang anti-illegal drug operations taliwas sa sinabi ni Bachelet na ang drug policies ay walang paggalang sa rule of law.
Ayon pa sa kalihim, ang pundasyon ng criminal justice system sa Pilipinas ay nananatiling gumagana at epektibo.
Sinabi pa ni Panelo na ikinokonsidera ng bansa na ang problema sa droga ay may kinalaman din sa kahirapan at problemang pangkalusugan.
Ibinida ng tagapagsalita ng pangulo na tinutulungang makapagbago at magamot ang mga nalulong sa droga sa pamamagitan ng mga binuong mega-rehabilitation centers ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.