9 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Silang, Cavite

By Len Montaño March 07, 2019 - 11:47 PM

Screengrab of Sales Elmar FB video

Sugatan ang siyam katao sa karambola ng sampung sasakyan matapos araruhin ng isang truck na may dalang mga sako ng feeds sa Tagaytay-Santo Rosa Road sa Silang Cavite Huwebes ng umaga.

Sangkot sa aksidente ang isang puting closed van, AUV, pampasaherong jeep, pula at silver na kotse, gray SUV at ilang tricycle.

Dinala sa ospital ang siyam katao na nagtamo ng mga minor injuries.

Sa Facebook video ni Sales Elmar, makikita ang mga nasirang sasakyan matapos ang aksidente.

Nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang karambola.

Sa imbestigasyon ng Silang Cavite Police, nawalan umano ng preno ang truck.

Inako ng driver ng truck na si Jun Lee Morales ang pangyayari pero itinanggi nito na mabilis ang kanyang takbo.

May iniwasan umano ang truck pero hindi nakayanan ng preno at inararo ang mga sasakyan na nasa unahan nito.

Tinumbok ng truck ang closed van, pagkatapos ay tumama sa AUV at pampasaherong jeep.

Tumawid sa kabilang lane ang truck kaya nabunggo nito ang pulang sasakyan, gray SUV at mga tricycle.

Nasira naman ang bahagi ng isang karinderya na nasa tabing kalsada.

TAGS: 10 sasakyan, araruhin, cavite, iniwasan, karambola, nawalan ng preno, Silang, sugatan, 10 sasakyan, araruhin, cavite, iniwasan, karambola, nawalan ng preno, Silang, sugatan

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.