Pagpapakita ng inis ni NCRPO Chief Eleazar sa isang kotong cop dinepensahan ni DILG Sec. Año
Ipinagtanggol ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año si National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar kaugnay sa hindi nakontrol na paglalabas nito ng galit sa isang “kotong cop.”
Sa isang statement, sinabi ni Año na suportado niya ang kampanya ni Eleazar laban sa mga kotong cop.
Ayon kay Año, ang silakbo ng galit ni Eleazar kay Police Corporal Marlo Quibete ay pagpapakita lamang ng pagkadismaya ng NCRPO chief sa mga scalawag na pulis na sumisira sa imahe ng Philippine National Police o PNP.
Bagama’t humingi na ng paumanhin si Eleazar, inihalintulad pa ng kalihim ang pinuno ng NCRPO sa isang “tatay” na nawalan ng pasensya sa anak na pasaway.
Giit ni Año, walang lugar sa pambansang pulisya ang mga police scalawag, lalo na ang mga nangingikil sa mga drug personality.
Ang mga masamang gawain ng ilang mga pulis ay hindi lamang kahihiyan sa uniporme, kundi kahihiyan din para sa mga alagad ng PNP na ibinubuwis ang buhay sa pagpapatupad ng anti-drug campaign ng Duterte administration.
Inatasan naman ni Año si PNP chief Oscar Albayalde na palakasin pa ang internal cleansing sa pambansang pulisya laban sa mga bugok na pulis.
Patunayan din aniya ng mga pulis na karapat-dapat sila sa pinataas na sweldo, na isinulong mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.