Pagpapabagal ng foreign deployment ng Pinoy construction workers ipinaliwanag ng DOLE
Idinahilan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ‘Build, Build, Build’ Program ng gobyerno sa ginagawa nilang pagpapabagal sa pag-alis ng mga Filipino construction workers para mag-trabaho sa ibang bansa.
Aniya ang pagpapabagal nila ng hanggang 90 porsiyento sa foreign deployment ng mga construction workers ay hindi para pigilan sila sa pagkita ng malaki kundi para lang ipaalam na lubos silang kailangan dito sa Pilipinas.
Sinabi pa ng kalihim na 800,000 hanggang isang milyon na skilled workers, kasama na ang mga engineers at architects, sa industriya ng konstruksyon ang kailangan sa bansa hanggang 2022 para sa mga infrastructure projects ng gobyerno.
Banggit pa nito, ang TESDA ay minamadali na ang mga pagsasanay sa mga obrero para mapunan ang kakulangan ng mga trabahador sa mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Kasabay nito ang paghikayat niya sa mga Filipino construction workers na ikunsidera ang pagta-trabaho na lang sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.