17 patay sa tigdas sa Pangasinan

Umakyat na sa 17 ang nasawi sa sakit na tigdas sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay John Lee Gacusan, program manager ng national immunization program ng DOH Center for Health Development sa Region 1 ang bilang ng nasawi ay mula Enero ngayong taon.

Ito anya ay mula sa kabuuang 726 na kaso ng tigdas.

Sinabi nito na tumaas din ng 881 percent ang kaso ng tigdas sa kanilang rehiyon kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.

Sa Ilocos Region ang lalawigan ng Pangasinan ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso na 589 na sinundan ng La Union na 99 habang pangatlo ang Ilocos Sur na may 25 at Ilocos Norte na nakapagtala ng 13 kaso.

Sinabi ni Gacusan na nagpadala na ang DOH ng mga nurse at doctor sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon upang tumulong sa mga local government units sa kanilang vaccination activities lalo na ang may matataas na kaso.

Sa tala ng Department of Health, umabot na sa mahigit 16,000 ang kaso ng tigdas hanggang noong March 2 kung saan 261 ang nasawi.

Ang measles outbreak ay nauna nang naideklara ng kagawaran sa mga bahagi ng
Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Central Visayas dahil sa mataas na kaso kung saan karamihan sa mga nagkasakit ay mga sanggol hanggang sa apat na taong gulang na bata.

Read more...