Sa kanyang talumpati sa 40th session ng UN Human Rights Council sa Geneva araw ng Miyerkules, tinawag ni Michelle Bachelet na walang paggalang sa rule of law at international standards ang giyera kontra droga ng Pilipinas kaya’t hindi dapat ito gayahin ng ibang bansa.
Nanawagan si Bachelet sa Pilipinas na gumamit ng public health approach at hindi mapanganib na pamamaraan sang-ayon sa itinatakda ng karapatang pantao.
Anya, ang mga nalulong sa droga ay dapat tulungang makabangong muli at ang mga polisiya laban sa bawal na gamot ay hindi dapat mas banta sa buhay ng mga suspek kaysa sa mga droga na kanilang ginagamit.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Bachelet sa mga panukalang ibalik ang death penalty para sa drug-related crimes at ibaba ang age of criminal responsibility mula 15 anyos sa 12 anyos.
Binanggit din ng human rights chief ang anya’y pananakot at pag-atake ng gobyerno sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, UN special rapporteurs, mamamahayag at mga pulitikong nasa oposisyon.