Water level sa Angat Dam mahigpit na binabantayan dahil sa El Niño
Mahigpit na binabantayan ng National Water Resources Board (NWRB) ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Sa huling monitoring ay nasa 202.3 meters pa ang water level sa Dam na nananatiling normal at malayo sa critical level na 180 meters.
Gayunpaman, dahil sa El Niño, inaasahang magsisimula ang tag-ulan sa Hulyo imbes na sa Mayo kaya’t posibleng magpatupad ng adjustments sa water allocation ang NWRB.
Ayon kay NWRB executive director Dr. Sevillo David Jr. bandang Mayo o Hunyo ay magpapatupad ng adjustments sa alokasyon ng tubig.
Ayon sa Maynilad sakaling ipatupad ang adjustments ay mayroon na silang plano.
Sinabi ng head ng corporate communications unit ng Maynilad na si Jennifer Rufo na posibleng bawasan ang pressure sa pipelines tuwing off-peak hour o tulog ang consumers.
Worst case scenario na lamang anya ang pagkakaroon ng rotational interruption pero hindi ito nakikitang mangyari ng Maynilad ani Rufo.
Kumpyansa ang water concessionaire na maibibigay nila ang pangangailangan sa tubig ng customers sa summer months.
Samantala, nag-anunsyo na ang Manila Water ng ‘low pressure’ o hindi kaya ay kawalan ng suplay ng tubig sa ilang mga lugar bilang bahagi ng contingency plan dahil sa El Niño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.