Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay na ang Makatizen App, na kauna-unahang uri ng digital citizen app sa bansa, ay pwede nang idownload ng mga iOS users, at makapagbibigay ng mas mabilis na serbisyo at impormasyon sa taumbayan.
Maaari nang i-download ng mga iPhone, iPad at iPod Touch users ang Makatizen App nang libre mula sa App Store.
Sa pamamagitan nito, makakakuha ang users ng pinakabagong balita at impormasyon tungkol sa mga aktibidad at proyekto ng pamahalaang lungsod gamit ang kanilang cellphone o mobile gadgets.
Ayon kay Mayor Abby, napakahalaga ng connectivity sa panahon ngayon, kung kaya’t patuloy ang kanyang administrasyon sa pagtuklas ng mga makabagong pamamaraan upang mapaglingkuran at makipag-ugnayan sa mga mamamayan ng lungsod.
Bahagi aniya ito ng isinusulong niyang digital transformation ng Makati.
Hinimok ng alkalde ang mga Makatizen at iba pang mamamayan na i-download ang Makatizen App upang malaman ang mga pinakabagong nagaganap sa Makati, bukod pa sa ibang benepisyong dulot nito.
Kabilang sa mga features nito ang Maka-Update, na nagbibigay ng pinakabagong impormasyon, public advisories at mga anunsyo tungkol sa mga proyekto, aktibidad at serbisyo ng lungsod;
Maka-Negosyo – naglalaman ng mahalagang impormasyon tungkol sa kung papaano magsisimula ng negosyo sa Makati at ano ang mga bentahe dito;
How can we help – magagamit ito ng users upang ireport ang traffic accidents, waste management issues, construction issues, stray animals, at iba pang mga concern sa komunidad; at
Maka-SOS – magagamit ito ng users upang makontak ang emergency hotlines ng isang click lamang kapag may emergency.
Ang Makatizen App ay inilunsad sa ika-347 Founding Anniversary ng Makati noong June 1, 2017, at una itong naging available sa android phones sa pamamagitan ng Play Store.
Bunga ito ng natatanging PPP agreement sa pagitan ng lungsod at ng Neo-Converge ICT Solutions, Inc.
Sa ilalim ng kasunduan, patuloy na madadagdagan ang mga citizen-enabling features ng Makatizen App.
Sa ngayon, sakop na ng free wifi project ang 13 barangay sa lungsod, at nakatakdang makumpleto ang proyekto sa iba pang mga barangay sa katapusan ng taong ito.
Inilunsad din noong 2017 sa pamamagitan ng PPP ang Makatizen Card, isang a unified, multi-purpose government-issued citizen ID na pinag-isa ang lahat ng mga benepisyo ng mahigit 600,000 residente at kawani ng city hall.
Sa bisa ng PPP kasama ang G-Cash and i-Bayad, dinisenyo rin ang Makatizen Card bilang isang financial card na nagagamit ng card holder upang maging bahagi ng cashless ecosystem.