Inutusan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang AFP Western Command na i-verify ang ulat kaugnay sa paglapit ng ilang Chinese fishing vessels sa Pag-asa island malapit sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Lorenzana na hindi dapat balewalain ang sumbong ni Pag-asa Mayor Roberto Del Mundo kaugnay sa pagharang ng ilang Chinese vessels sa mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
Nauna dito ay sinabi ni Del Mundo na hindi pinayagan ng ilang Chinese ang mga Pinoy na mangisda malapit sa Sandy Cay na isa sa mga lugar na regular na pinangingisdaan malapit sa Subi Reef.
Ang Pag-asa island na kilala rin bilang Thitu island ay ang siyang pinaka-malaking isla sa West Philippine Sea na matatagpuan sa lalawigan ng Palawan.
Sinabi ni Del Mundo na posibleng minomonitor rin ng China ang mga itinatayong istraktura sa lugar tulad ng bagong pier at development sa lumang air strip.
Ipinaliwanag rin ng nasabing alkalde na wala silang magawa dahil masyadong marami ang mga Chinese fishing vessel sa lugar na kitang-kita mula sa isla ng Pag-asa.