Ang mga dadalo sa mga banal na misa ngayong araw ay papahiran ng abo sa kanilang mga noo.
Layon nitong ipaalala sa mga Katoliko na lahat ng tao ay nagsimula sa abo at babalik din sa abo batay sa aklat ng Genesis.
Sa panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan ng Simbahan ang lahat na manalangin, mag-ayuno at magbigay ng limos.
Samantala, may mensahe si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action (Nassa) executive secretary Fr. Edwin Gariguez sa mga pulitiko na gagamitin ang araw na ito.
Giit ni Gariguez, huwag magpalagay ng abo sa noo ang mga pulitiko na nais lamang ng photo opportunities dahil ito ay pagiging ipokrito.
Ayon sa pari, ang paglalagay ng abo noo ay hindi isang ordinaryong aktibidad kundi paalala sa lahat na magsisi sa mga kasalanan.
Ang panahon anya ng Kuwaresma ay isang banal na panahon ng pagsasakripisyo kung saan pinalalalim ng mga Kristiyano ang kanilang ugnayan kay Hesukristo.