Malubhang nasugatan ang singkuwentay’singko anyos na Australian National matapos mabagsakan ng bahagi ng debris ng ginigibang Mandarin Hotel sa Lungsod ng Makati.
Sa panayam ng Radyo Inquirer,sinabi ng Traffic Enforcer na si Richard Santos Candilesas na dumadaan lamang ang pedestrian na si Suzanne Mellor sa bahagi ng Paseo de Roxas Avenue nang tamaan siya ng tipak ng pader sa ulo at kaliwang bukong-bukong.
Malubha aniya ang sinapit ng biktima dahil lumabas ang buto nito sa paa.
Kasalukuyang nasa operating room ng Makati Medical Center ang dayuhan.
Nadamay din ang ilang pribadong sasakyan kabilang na ang kulay puti na Toyota Fortuner na may plakang ZMB 646 at minamaneho ng isang Deborah Escober.
Samantala, nasa bisinidad na rin ng Mandarin Hotel ang Scene of the Crime Operatives para imbestigahan ang insidente.