Preliminary Investigation sa 90 kataong sangkot sa Mamasapano encounter, sinimulan na
Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa siyamnapung katao, kabilang ang ilang moro rebel commanders, kaugnay ng Mamasapano encounter noong Enero.
Ang mga suspek na sinampahan ng complex crime of direct assault with murder and theft ay mula sa Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at private armed groups.
Isinumite ng kampo ng isa sa mga respondents na si Lakman Dawaling ang certification na nakuha nito sa MILF na nagsasabing hindi siya miyembro ng rebeldeng grupo.
Isa pang respondent na si Mustapha Inggo Tatak ang nagsumite ng certification galing naman sa Department of Interior and Local Government (DILG) na nagsasabing duly elected siyang punong barangay ng Brgy. Sapakan.
Pero wala sina Dawaling at Tatak sa preliminary probe at kinatawan lang sila ni Atty. Ronald Hallid Torres na nagsabi na dahil sa layo ng lugar at kakapusan sa pera ay hindi madali para sa kanyang mga kliyente na pumunta sa pagdinig.
Itinanggi ng isa pang suspek na si Pendatun Utek Makakua na miyembro siya ng MILF dahil isa raw siyang magsasaka.
Pinagsusumite ng DOJ panel ang siyamnapung respondents ng kanilang counter-affidavits kapag nag-resume ang preliminary investigation sa December 17.
Kabilang sa kinasuhan ng joint team mula sa NBI at national prosecution service ang 26 MILF members, 12 BIFF members at limamput-dalawang iba pa na mga miyembro ng private armed groups o mula sa office of the mayor of mamasapano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.