Palasyo: Duterte, hindi pinuwersa ang korte para makalabas ng bansa si Misuari

By Chona Yu March 04, 2019 - 10:45 PM

Walang nakikitang mali ang Palasyo ng Malakanyang sa pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga korte o hudikatura para hilingin na payagang makalabas ng bansa si Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, bilang pinuno ng bansa ay tungkulin ng Pangulo na protektahan ang mga mamamayan.

Hindi naman aniya pinuwersa ng Pangulo ang mga taga hudikatura na payagang makaalis ng bansa si Misuari.

Paniwala ni Panelo, kung ang problema sa Mindanao ay nakasalalay sa katauhan ni Misuari na may hawak na malaking grupo at malakas ang impluwensya, tungkulin ng punong ehekutibo na gawin ang lahat ng kanyang makakaya na ipaalam sa hukuman na makatutulong ito para tuluyang umusad ang kapayapaan.

Katwiran pa ni Panelo, maaari kasing makatulong para maresolba ang problemang kapayapaan sa Mindanao kung luluwagan ng kaunti ang pakikitungo kay Misuari.

Si Misuari ay may warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon bunsod ng Zamboanga siege noong 2013 at nahaharap din sa kasong graft at malversation dahil sa maanomalyang pagbili ng education materials noong siya pa ang governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nasa Abu Dhabi at Morocco ngayon si Misuari dahil dumadalo sa mga international conference at inaasahang uuwi ng bansa sa March 20.

Una rito, inamin ng Pangulo na tinawagan niya ang ilang mga taga hudikatura at gumawa ng ilang arrangement para makalabas ng bansa si Misuari.

TAGS: Abu Dhabi, ARMM, hudikatura, Korte, mnlf, Morocco, Nur Misuari, Pangulong Rodrigo Duterte, Presidential spokesman Salvador Panelo, rebelyon, Zamboanga siege, Abu Dhabi, ARMM, hudikatura, Korte, mnlf, Morocco, Nur Misuari, Pangulong Rodrigo Duterte, Presidential spokesman Salvador Panelo, rebelyon, Zamboanga siege

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.