Malacañang: Paglabas ni Misuari sa bansa di dapat intrigahin

By Chona Yu March 04, 2019 - 08:04 PM

AFP PHOTO / MARK NAVALES

Walang nakikitang mali ang Malacañang sa intervention ng pangulo sa hudikatura para hilingin na payagang makalabas ng bansa si Moro National Liberation Front Chairman Nur Misuari.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, bilang pinuno ng bansa, tungkulin ng pangulo na protektahan ang mamayan.

Hindi naman aniya pinuwersa ng pangulo ang mga taga hudikatura na payagang makaalis ng bansa si Misuari.

Paniwala ni Panelo, kung ang problema sa Mindanao ay nakasalalay sa katauhan ni Misuari na may hawak na malaking grupo at malakas ang impluwensya ay tungkulin naman ng punong ehekutibo na gawin ang lahat ng kanyang makakaya na ipaalam sa hukuman na makatutulong ito para tuluyang umusad ang kapayapaan.

Katwiran pa ni Panelo, maari kasing makatulong para maresolba ang problemang kapayapaan sa Mindanao kung luluwagan ng kaunti ang pakikitungo kay Misuari.

Si Misuari ay may warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon bunsod ng Zamboanga siege noong 2013 at nahaharap din sa kasong graft at malversation dahil sa maanomalyang pagbili ng education materials noong siya pa ang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nasa Abu Dhabi ngayon at pupunta rin sa Morocco si Misuari para sa ilang international committment at inaasahang uuwi ng bansa sa March 20.

Una rito, inamin ng pangulo na tinawagan niya ang ilang mga taga hudikatura at gumawa ng ilang arrangement para makalabas ng bansa si Misuari.

TAGS: duterte, Mindanao, mnlf, Nur Misuari, panelo, duterte, Mindanao, mnlf, Nur Misuari, panelo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.